Wagi ang komedyanteng si Pokwang o Marietta Subong sa laban nito sa dating partner na si William Lee O'Brian makaraang katigan ng Bureau of Immigration (BI) ang petisyon para i-deport ang huli.
Sa walong pahinang resolusyon ng BI, ipinag-utos ang deportasyon ni O'Brian kasabay sa paglalagay sa kanya sa immigration blacklist, kinansela ang kaniyang "employment visa" at naglabas ng Warrant of Deportation laban sa kaniya.
Base sa resolusyon nilabag ni O'Brian ang panuntunan ng kaniyang pananatili dahil sa aktibo niyang pagkakasangkot sa mga pelikula, programa sa telebisyon at teatro mula 2016 hanggang 2023.
Magugunitang inihain ni Pokwang ang deportation case laban kay O'Brian nitong nakaraang Hunyo dahil sa mga reklamong pang-aabusong pinansyal, intimidasyon, at pag-abandona sa kanilang anak na babae na si Malia.