Sa taong kasalukuyan, pagkalipas ng mahigit 25 years mula 1995 ay nakapagpamalas muli ang Beatles ng isang awitin na makasaysayan sa mundo ng popular music. Ang awiting ito ay isang madamdaming soft rock ballad na may pamagat na “Now And Then.”
Ang sumulat at nag-compose nito ay si John Lennon, noong 1979. Ang “Now And Then” ay bahagi ng dalawa pang kanta na ni-record ni John sa Dakota apartment sa New York—“Free As A Bird” at “Real Love.”
Matagumpay na naisaayos nina Paul, George at Ringo ito noong 1994 at nagamit na promotion sa inilabas nilang The Beatles Anthology 1, 2 & 3 noong 1995. Umabot sa #2 sa UK chart ang “Free As A Bird” at #6 sa US Billboard Hot 100. Nanalo pa ito ng Grammy for Best Performance by a duo or group noong 1997.
Ang “Now And Then” ay hindi nagkaroon ng potensyal ma-revive nina Paul, George at Ringo noong 1995 dahil matindi ang background noise nito, hilaw ang chorus at verse, kung kaya’t ipinagpaliban nila na buhayin ang kanta noon.
Nagdaan muli ang 25 taon nang ganahan si Paul at Ringo na lingapin ang kantang ito sa pamamagitan ng tulong ng isang teknolohiya ngayon na kung tawagin ay AI (artificial intelligence). Ang AI ang nakatulong upang maiangat ang tinig ni John na nasasapawan ng tunog ng piano. Ito rin ang pulidong nakatulong na maidagdag ang blending voices ni Paul at Ringo, ang drumbeat na ginawa ni Ringo, at slide guitar sound na ginawa naman ni George noong siya ay nabubuhay pa.
Sa madaling salita, nabuo nila ang kantang ito sa tulong na rin ng mga kaibigan nina Paul at Ringo sa industriya ng musika.
Na-release ang “Now And Then” nitong November 2 at mula sa #42 spot sa UK pop chart ay umakyat ito sa top spot noong November 10 at gayundin sa ibang bansa sa Europa. Nag top 10 naman ito sa U.S. chart at maging sa ibang bansa.
Sa ngayon ay may 18 number-one hit singles na sa kabuaan ang The Beatles. Subalit, pangalawa pa rin sila kay Elvis Presley na nagkamal ng 21 hit singles sa buong panahon ng kaniyang career.
Ang “Now And Then” ay lumabas bilang double-sided single, ibig sabihin ay parehong A-side at walang B-side. Ang isa pang A-side nito ay “Love Me Do” na ginawang stereo. Ito ay ang kauna-unahang single na nailabas ng The Beatles noong 1962.
Nang dahil sa ang “Now ang Then” ay tinaguring huling awitin ng The Beatles, ito at ang “Love Me Do” ay nagsilbing “book ends” sa buong kasaysayan ng The Beatles.
Bagama’t ang The Beatles ay matagal nang nagkahiwalay, sila’y pinagsamang muli ng mga kantang iniwan ni John na may nakasulat na “For Paul” nang ito ay ipinagkaloob sa kaniya ng balong asawa ni John na si Yoko Ono.
Tunay na hindi nagmaliw ang pag-ibig ng Fab 4 na ito sa isa’t-isa. Dahil kung hindi ay marahil ang mga kantang naiwan ni John ay nalibing na sa oblivion o sa pagkalimot. Sila pa rin ang namamayaning the greatest band of all time.