Naghain ng resolusyon si Senate Majority Leader Joel Villanueva para imbestigahan ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng respiratory illness sa bansa.
Layon ng Senate Resolution 875 ni Villanueva na alamin ang kahandaan ng bansa na matukoy at ma-contain ang respiratory illness na kumakalat ngayon sa China at iba pang mga bansa.
Pinasisilip din sa Senate Committee on Health and Demography ang kakayahan ng healthcare system ng bansa na harapin ang posibleng pagtaas ng kaso o outbreak ng respiratory illness.
Ayon kay Villanueva, kailangang paigtingin ng Department of Health (DOH) at iba pang concerned agencies ang minimum public health standard at safety protocol para matugunan ang tumataas na kaso ng respiratory illness sa bansa.
Dapat din tiyakin na mayroong sapat na suplay ng mga gamot at personal protective equipment (PPEs).
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan na palakasin ang public information, education at communication programs tungkol sa mga nakakahawang respiratory illness.
Kabilang sa mga iminungkahi niya ay ang vaccination drive laban sa influenza, COVID-19, pneumonia, at iba pang mga sakit.