Ramdam na ramdam ang paghina ng pandaigdigang ekonomiya lalo na sa mga higanteng bansa na China at Estados Unidos. Ang mga imahe sa nakaraang APEC forum sa San Francisco ay sumasalamin sa sitwasyon at sa paghahangad na ito ay masolusyonan.
Maganda ang mga naging pahayag ni Chinese President Xi Jinping sa okasyong nasaksihan sa buong mundo: “China is willing to be a partner and friend of the United States.”
“If we regard each other as the biggest rival, the most significant geopolitical challenge and an ever-pressing threat, it will inevitably lead to wrong policies, wrong actions and wrong results,” aniya.
'Yan ay kasunod ng kaniyang malalimang pakikipag-usap kay American President Joe Biden kung saan tinalakay nila ang mga hakbang na makapagpapatatag ng relasyon ng dalawang economic superpower.
Nakadaupang-palad pa ni Xi ang ilan sa top US executives tulad nina Tesla CEO Elon Musk, Apple CEO Tim Cook, FedEx CEO Raj Subramaniam, at Ray Dalio ng Bridgewater Associates. Suportado raw ni Xi ang development ng Tesla sa China.
Maituturing na 'highly-anticipated' ang pakikipag-usap ng China sa Amerika. Kahit ang ibang mga lider ng bansa ay nag-abang sa mahalagang tagpong ito.
Nagbubukas ngayon ang kooperasyong pang-ekonomiya. Bago pa man maganap ang APEC Forum, kalat na sa daigdig ang pagbagal ng ekonomiya ng China, na ito ay may direktang epekto sa Amerika dahil maraming malalaking kumpanya ang nag-ooperate sa naturang bansa sa Asya.
Pinag-aaralan ng American companies kung papaano sila makaliligtas sa economic downturns ng China. Habang ang China naman, tila lumambing ng bahagya para palakasin ang kalakalan at ekonomiya nito.
Ngayong taon, umaray ang China sa paghina ng consumer spending, property crisis, at mga suliranin sa pamumuhunan ng mga dayuhang bansa.
Kinailangang pagandahin ni Xi at ng China ang relasyon nito sa ibang mga bansa, lalo na sa kanluran, para magkaroon ng kumpiyansa ang malalaking negosyo na pumasok sa bansa.
Sa panahong ito na dalawang rehiyon sa mundo ang binubulabog ng digmaan, ang Gaza at Ukraine, ipinapakita ng China na desidido itong magtaguyod ng kapayapaan at pagtutulungan lalo na sa sektor ng ekonomiya. Bagaman nariyan pa rin ang mga usapin tungkol sa mga bansang pinapanigan ng Amerika at China, maging ang usaping pangkapayapaan dito sa ating rehiyon, isang magandang senyales ang resulta ng lakad ni Xi sa San Francisco.