Lima ang iniulat na nasawi, habang tatlo pa ang malubhang nasugatan sa banggaan ng isang truck at kasalubong nitong SUV sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. San Vicente, Sto. Tomas, City, Batangas madaling araw nitong Sabado.
Sa inisyal na ulat, naganap ang aksidente dakong alas -2:50 ng madaling araw na nagdulot ng limang oras na pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa southbound lane.
Galing umano ang isang Innova sa Catarman, Northern Samar at patungong Nueva Ecija nang makabanggaan ang isang truck sa bahagi ng southbound area ng naturang highway.
Sinabi ng mga imbestigador na ang driver ng SUV na taga-Catarman, Northern Samar ay naidlip umano na nagbunsod sa malagim na pagkakabangga nito sa kasalubong na truck.
Lima ang binawian ng buhay, habag ang mga sugatan ay isinugod sa Cabrini Hospital.
Kasalukuyan nang pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na driver ng truck upang panagutin sa pagkamatay at pagkasugat ng mga biktima.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.