Unti-unti ng namumunga ang mahigit isang taon na foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para dumalo sa mga mahahalagang pagtitipon at pakikipag pulong sa mga kapwa lider at dayuhang negosyante.
Deklarasyon ito ni House Speaker at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez at inihayag na ang mga international engagements ni Marcos ay umaani na ngayon ng positibong resulta.
“We are witnessing the fruits of President Marcos Jr.’s strategic international engagements. These investments are not just numbers; they represent hope, opportunities, and a brighter future for thousands of Filipinos,” paglalahad ni Romualdez.
Inihalimbawa ni Romualdez ang ulat ng Department of Trade and Industry (DTI) tungkol sa Japan trip ng Pangulo noong Pebrero, naitala na sa 34 letters of intent at agreements na nilagdaan ay nagbunga ng P170 billion actual investments.
Kabilang dito ang P4.4 billion investment para sa electronic parts maker na Murata Manufacturing, na nagpatayo ng bago nitong production building sa Tanauan City, Batangas.
Ayon kay Romualdez, aabot sa P771.6 billion investment pledges ang nagawa at inaasahan na lilikha ng 40,200 trabaho para sa mga Pilipino.
“These varied investments reflect our nation’s growing attractiveness as a global investment destination, capable of meeting the needs of diverse industries. They also align with our commitment to sustainable development and environmental stewardship,” pahayag ni Romualdez.
Tiniyak ni Romualdez na suportado ng Kamara ang mga hakbang ng Marcos administration at bibigyan ng prayoridad ang pagpasa ng mga kaakibat na panukalang batas para magkaroon ng katuparan ang mga pangako ng pamumuhunan sa Pilipinas.