“Hahabulin at ihahabla natin ang mga agricultural products smugglers at hoarders.”
Idineklara ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bahagi ng kanyang State of the Nation Address (SONA) at sinabi na bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder.”
Sa kanyang ikalawang SONA, sinabi ni PBBM na ang mga smugglers at hoarders ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng agricultural products kasama na ang mga fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka.
"Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang mga smuggler, mga hoarder, at mga nagmamanipula ng produktong pang-agrikultura. Ihahabol at ihahabla natin sila," pahayag ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, sadyang hindi tama ang gawain ng mga ito dahil napapahamak hindi lamang ang mga magsasaka kundi maging ang mga mamimili at hindi siya papayag sa ganitong klase ng kalakaran.
"Sadyang hindi tama ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin, pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak hindi lamang mga magsasaka, kundi tayo ring mamimili kaya't hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran. Bilang na ang araw ng mga smugglers at hoarders na 'yan," pagtitiyak ng Pangulo.