Bakit inatake ng Hamas ang Israel? Matagal na ang sigalot nila sa isa’t isa, mula pa nong panahon ni David at Golyat sa Biblia. Pero, ngayon, ang Israel ang may Golyat at ang Hamas ay militanteng grupo na nagmula sa isang sanga ng Moslem brotherhood noong 1987.
Ang Hamas ay acronym para sa Harakat al-Muqawama al-Islamiya (Islamic Resistance Movement). Ang tawag ng U.S., EU at iba pang kaalyado ng Israel sa Hamas, ay mga terorista.
Sa totoo lang ang galawan ng Hamas ay masasabing hybrid - part terrorist organization at part pseudo-state.
Noong 1987 tinalo ng Hamas ang Fatah sa isang election sa Gaza. Ang Fatah ay isang political party na namumuno noon sa Gaza.
Bagama’t umalma ang Fatah sa kanilang pagkatalo, ‘di kalaunan ay napatalsik sila ng Hamas sa Gaza. Kaya, sa ngayon, ang Hamas ang defacto ruler ng Gaza.
Sa paglakad ng panahon, ang Hamas ay lumaki at nagkaroon ng pinakamalakas na kakayahan para labanan ang Israel. Ano ang layunin ng Hamas sa Israel? Puksain ang mga ito sapagkat, wika nila, walang karapatan ang mga ito na maghari-harian sa Gaza.
Nasakop kasi ng Israel ang Gaza noong nanalo sila sa tinatawag na six-day-war na naganap nong 1967. Matapos nito ay lumawak ang bansang Israel dahil sa mga nasakop nilang mga lupain sa Palestinya.
Inaapi ang mga Palestinong nasakop at inaalimura kaya hangad nila na makalaya sa pananakop ng Israel at magkaroon sila ng estadong hindi kinokontrol ninoman.
Habang lumalakas ang Hamas ay ipinapakita nila ito sa Israel sa pamamagitan ng paglulunsad nila ng missile attacks. Hindi man ganoon karami— pero nakapipinsala rin.
Minsan nakapag-ho-hostage pa sila at nagagawa nilang ang kapalit ng isang hostage ay pagpapakawala sa 1,000 Palestinong preso sa Israel.
Bagama’t nakakapinsala ang Hamas sa Israel sa panaka-nakang pambobomba nito, sinisikap ng Israel na ma-assassinate ang mga leaders nila na wala sa Gaza, at kung minsan ay successful naman at pansamantalang napahihinahon nila ang Hamas.
Subalit, napapalitan naman ng panibago ang mga leaders na napapatay. Kaya’t ang suliranin ng Israel sa kalaban nilang Hamas ay walang permanenteng solusyon. Nama-manage lang.
Noong 2005 ay umalis na ang mga Israel settlers sa Gaza. Subalit, hinigpitan naman nila ang blockade sa lupa, dagat at maging airspace sa Gaza. Lalo rin kinontrol ng Israel ang supply ng tubig, kuryete at pagkain.
Ito ang lalong nagpaapoy ng galit ng Hamas sa Israel hanggang humantong na nga sa pinakamalupit at pinakamalaking pag-atake nila sa Israel noong Oktubre 7.
Naglunsad sila ng maraming rocket missiles at mortar bombings sa Israel at napasok din nila ang iron barrier nito sa border. Lubhang nasorpresa ang Israel sa pinsala, na ang bilang ng napatay sa kanila ay 1,400 katao, (300 dito ay kanilang elite troops) at 3,800 naman ang sugatan.
Gumanti ang Israel ng sunod-sunod na aerial strikes sa Gaza, at, as of press time, ay nasa mahigit 7,000 na ang death toll.
Durog ang mga istruktura sa Gaza na pinaghihinalaang pinagtataguan ng Hamas.
May isang Gaza hospital pa na tinamaan ng missile (mortar?) at daan-daan dito ang namatay— mga pasyente at mga sibilyang dito kumukubli.
Tumanggi ang Israel na sila ang may kagagawan nito. Sinabi ng IDF spokesman na isang misfired missile ng Hamas ang doon bumagsak sa courtyard ng ospital.
Mariing tinanggi ng Hamas ang akusasyong ito at meron silang videos na ipinakita na mga ebidensiya na nagpapahayag ng pagsisinungaling ng Israel.
Dahil sa ang Hamas ay nakapang-hostage diumano ng 200 katao, nanawagan na ang Israel na lumikas na ang mga taga-Gaza sapagka’t gagapangin na ng kanilang ground troops ang Hamas upang makuha nila ang mga hostages.
Ngunit, bakit sa paglikas ng mga evacuees ay tinitira naman ng Israel ang daanan nila at maging ang mga ambulansya? Wala na ngang tubig, kuryente at pagkain, bobombahin pa nila ang mga evacuees na walang kalaban-laban? Ayon sa isang report, kada 5 minuto ay may namamatay sa Gaza.
Ang U.S. ang back-up ng Israel, at maaga pa ay nagpadala na ito ng 10 warships sa pangunguna ng dalawang napakalalaking aircraft carriers.
Ngayon ay nasa Mediterranean Sea na ang mga barkong ito at nakaabang na harangin ang mga missiles na ilulunsad laban sa Israel saan man ito manggaling.
Si U.S. President Joe Biden ay nangangalap ng $105 billion upang ipantulong sa Israel kasama na rito ang mga sophisticated armaments. Paano kaya magkakaroon ng kapayapaan kung weapons of destruction ang ipagkakaloob ng U.S.?
Samantala, ang Hamas ay hindi nag-iisa. Maraming Muslim countries ang karamay nila at mayroon ding kaukulang armas na maaring ipang-laban sa mga naka-ambang warships na magtatanggol sa Israel.
Ito ay mitsa ng pinaka madugong labanan sa kasaysayan ng mundo.
Dapat kumilos na ang mga pinuno ng pangkapayapaan upang sa lalong madaling panahon ay ma-diffuse ang walang katuturang labanang ito.
“CEASEFIRE!” and sigaw ng mundo for humanitarian reasons. Kailan ba nagkaroon ng katuturan ang giyera?
“War, war is stupid” sabi nga ng singer na si Boy George sa kaniyang hit song na “The War Song.”