OPINION | Mabuting hakbang ang pagdedeklara ng World Health Organization sa 'loneliness' o kapanglawan bilang isang banta o usapin sa kalusugan ng publiko. Lalo pa itong dapat na matutukan ngayon dahil sa mga naging epekto ng pandemya at paglaganap ng karahasan na nakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng marami.
Ang mortality effects ng loneliness ay katumbas diumano ng paninigarilyo, 15 beses kada araw.
Bumuo ang W.H.O ng isang international commission, na tinatawag na Commission on Social Connection, para tutukan ang usapin sa kalungkutan. Tumaas ang bilang ng mga taong nakaranas nito dahil sa social isolation at kawalan ng kabuhayan noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Sa mga nakatatanda, sinasabing ang kalungkutan ay nagdudulot umano ng 50% increased risk ng pagkakaroon ng dementia at 30% increased risk ng pagkakaroon ng coronary artery disease o stroke.
Dumarami rin ang bilang ng mga kabataang nakararanas ng loneliness at social isolation na nagkakaroon ng epekto hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa kanilang performance sa pag-aaral at sa kanilang pananaw tungkol sa hinaharap.
Marami naman ang nahuhulog sa iba't ibang bisyo dahil sa kalungkutan at pangungulila na kalauna'y nagkakaroon ng direktang epekto sa kanilang kalusugan.
Kaya naman sa susunod na tatlong taon, maglulunsad ang W.H.O ng mga pamamaraan para palalimin ang social connection ng mga tao. Isa ito sa mga hakbang na nais nilang itaguyod para manumbalik ang sigla ng marami at matutukan ang usapin ng kalungkutan.
Posible ring madagdagan ang mga bansa na magtatalaga ng mga opisyales o bubuo ng mga departamentong tututok sa mental health, loneliness, at iba pang kaugnay na isyu sa kalusugan.
Marami ang nakararanas ng kalungkutan. Iba-iba ang pangangailangan ng bawat isa. Subalit ang mahalaga ay napagtutuunan ito ng atensyon at hinahanapan ng solusyon para magkaroon ng matiwasay na pamumuhay dito sa mundo, gaano man katindi ang mga hinaharap na suliranin ng lipunan.