Inuubo't sipon ka rin ba? Nilalagnat?
Ang daming maysakit ngayon. Trending ang trankaso at pneumonia.
So, anong mayroon ka? Simpleng rhinovirus? Trankaso? O pneumonia?
Kagabi, nasa Emergency Room kami. Wala kasing tigil sa kakaubo ang pamangkin kong 8 taong gulang. Ang ingay ng pediatric section. Sagutan ng ubo ang mga bata. Duet. Choir.
Karamihan sa diagnosis sa mga batang ito ay "community acquired pneumonia."
Ang sabi pa ng doktor sa amin, parang may new strain ng virus na ang recovery ay napakatagal. Ilang linggo inaabot ang ubo at sipon.
PNEUMONIA
Hindi biro ang pneumonia. Pwede kasi itong ikamatay. Kaya, nung ikalawang araw nang mataas ang lagnat ng pamangkin ko (umaabot sa 39°), hindi namin binalewala na, "Ah, trankaso lang iyan."
Kapag mataas ang lagnat, may ubo't sipon, at kulay yellow na ang plema, kailangan talagang i-Xray ang baga. Ito ay para malaman mong may pneumonia.
May pneumonia nga ang pamangkin ko. Pero classified as "non-severe."
Agad siyang niresetahan ng antibiotics na dapat inumin kada 12 oras sa pitong araw.
Alam niyo ba, masamang itigil ang antibiotics na hindi pa tapos ang course? Kapag sinabi ni Doc na 7 days, dapat talagang tapusin ang 7-day course. Kahit umigi na ang pakiramdam mo, halimbawa ay sa ikatlong araw ng antibiotics ay malakas ka na, kailangan mo pa ring tapusin ang therapy.
Bakit? Delikado kapag itinigil agad. Ito ay dahil sa baka ma-immune ka na sa antibiotics at hindi na ito gumana balang araw kapag kinailangan mo na uli — o ang tinatawag na "antibiotic resistance." Isa pa, baka bumalik ang sakit mo.
EARLY DETECTION IS KEY
Sabi ng mga Pinoy, "Malayo naman sa bituka" Kaya naman, marami talaga tayong mga kababayan na ayaw magpatingin kaagad kapag may kakaibang nararamdaman. Maaaring ayaw makaabala, ayaw gumastos, o natatakot sa doktor o sa resulta ng mga laboratory.
Pero kapag lumala kasi ang sakit mo, mauuwi ka rin naman sa ospital, hindi ba? At mas mahirap ang daranasin mo, at mas magastos at mas kakain ng maraming oras ng buong pamilya.
Kaya agapan agad. Matipid na nga, mas mabilis ka pang gagaling.
May mga LGU naman na nag-aalok ng libreng konsultasyon sa mga barangay hall. Mayroon ding mga online consultations hanggang ngayon. Ang general checkup, mayroong mga nasa P500 lang or less.
Nakakalungkot na ang iba ay pinatatagal ang mga nararamdaman kaya't lumalala ang sakit. Hindi naman natin sila masisisi kasi talagang nakaka-stress kapag may sintomas. Pero napakahalaga na agad maagapan para rin naman sa kapayapaan ng iyong isip at ng iyong pamilya.
Kung may maintenance, ituloy. Huwag ititigil. Kasi kahit pa healthy ang lifestyle, pero itinigil ang maintenance medication, delikado. Kung gusto itigil, magpaalam muna sa doktor. Huwag magsariling-kalooban na itigil ito basta basta.
MALAKAS NA RESISTENSYA
Sapat na tulog, masustansyang pagkain, ehersisyo, uminom ng maraming tubig, pagiging masayahin, marunong magde-stress, paligiran ang sarili ng nga kaibigang malalapit, uminom ng tamang gamot, manalangin at magtiwala sa Diyos.
Iyan ang sa tingin kong makakatulong sa atin para manatili ang kalusugan ng katawan. Ingatan ang sarili. Ang physical, mental, at emotional health.
Hindi naman mawawala ang mga sakit at karamdaman sa buhay na ito. Ako nga ay halos dalawang linggo nang maysakit. Kasi, bilang taong may hika, delikado sa akin ang magkaroon ng ubo't sipon — laging nauuwi sa acute asthma at bronchitis.
Barado ba ang ilong mo? Tulo ng tulo ang sipon? Ubo ka ng ubo? Nilalagnat pa?
Kapag may lagnat at dilaw o green na ang plema, magpatingin. Baka kasi pneumonia na iyan at kailangang maagapan.