Ipagpapatuloy at hindi hihinto ang administrasyon sa kampanya laban sa illegal drugs.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pangalawang State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa sa Lungsod ng Quezon.
"It is now geared towards community-based treatment, rehabilitation, education, and reintegration, to curb drug dependence amongst our affected citizenry," ayon sa Pangulo.
Ayon sa Pangulo, noong 2022 ay inilunsad niya ang Buhay Ingatan, Droga'y Ayawan (BIDA) program at nagtatag ng karagdagang 102 Balay Silangan Reformation Centers sa buong bansa.
"We will relentlessly continue our fight against drug syndicates, shutting down their illegal activities and dismantling their network of operations," paglalahad ng Pangulo.
Nakahanda niyang tanggapin ang pagbibitiw sa puwesto o sa tungkulin ng mga "unscrupulous law enforcers" at iba pang sangkot sa "highly nefarious drug trade" na nalantad.
Siniguro ng Pangulo sa publiko na itatalaga niya ang mga indibidwal na may unquestionable integrity na epektibo at mapagkakatiwalaan na humawak ng tungkulin na alisin ang "dreaded and corrosive social curse."
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na hindi kukunsintihin ng kasalukuyang administrasyon ang korapsyon at kawalan ng kakayahan sa gobyerno.