Naghain si Senator Christopher "Bong" Go ng panukalang batas na naglalayong taasan ang sahod ng mga civilian employees’ ng gobyerno upang tapatan ang kasalukuyang economic conditions ng bansa.
Layon ng Senate Bill 2504 o ang Salary Standardization Law 6 (SSL6) ni Go na sundan ang probisyon ng Republic Act (RA) 11466 o ang "Salary Standardization Law 5 (SSL5).
Binigyang-diin sa panukala ang pangangailangan na i-review at dagdagan ang sweldo ng mga kawani ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pagtaas ng "cost of living" at inflation rate.
Isinusulong ng panukala na i-modify o baguhin ang salary schedule ng mga civilian personnel at gagawin ang pagtataas sa apat na tranches.
Oras na maging ganap na batas, sakop ng dagdag na sahod ang lahat ng civilian government personnel mula sa Executive, Legislative, at Judicial Branches, Constitutional Commissions, government-owned or -controlled corporations na hindi saklaw ng RA 10149, at mga local government units.
Ayon kay Go, ang pagtaas sa sahod ng mga government employees ay makakahikayat sa mga tao na piliing magtrabaho sa pamahalaan.
Paraan din ito para maiwasan ng mga empleyado na gumawa ng katiwalian dahil mayroon silang matatag na source ng kabuhayan.