Gagamitin ni Pagadian City Mayor Sammy Co dito sa Zamboanga Del Sur, ang Presidential Decree No. 1727, ang Anti-Bomb Joke Law, kung hindi pa rin magpapakita sa kaniyang tanggapan ngayong araw ang dalawampung Facebook users na nagpakalat ng bomb joke sa social media habang isinasagawa ang aktibidad sa Plaza Luz Pagadian City nito lamang Sabado ng gabi.
Dalawa, sa dalawampung sangkot sa bomb joke ay sumuko na kahapon sa alkalde at nangakong hindi na uulitin ang kanilang pagkakamali.
Isa sa mga sumuko ay si John Paul Dalia.
Kasunod na sumuko kahapon ay ang menor de edad na babae na hindi na pinangalanan.
Ayon sa menor de edad, natakot umano siya nang mag viral ang kaniyang pangalan sa social media dahil sa pag-comment niya, na may kaugnayan sa sinabing bomba.
Matatandaang kamakailan lang ay binomba ang Mindanao State University sa Marawi City na ikinamatay ng ilang dumalo sa isang pagtitipon.