Magbibigay ang Philippine National Police ng P1 milyon na pabuya sa sinuman na magbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at makakapagturo sa kinaroroonan ng mga suspek sa Mindanao State University (MSU) bombing na kumitil ng buhay ng mga inosenteng sibilyan.
Inanunsyo ito ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo at sinabi na ang pabuya ay para sa dalawa pang persons of interest sa pagpapasabog sa MSU noong December 3.
Nakita sa CCTV footage na ang dalawang POIs ay sakay ng motorsiklo habang papunta hanggang sa umalis ng MSU matapos ang pagsabog.
Nakita rin sa CCTV ang lalaking back rider na naka white long sleeve na may bitbit na bag na ayon kay Fajardo ay may laman na 60 mm mortar at RPG na ginamit sa pambobomba.
Pumasok ang dalawa sa MSU gym dala ang bag bandang 7:03 ng umaga at lumabas ng 7:11 a.m. na wala na hawak na bag.
Ang dalawang POIs ay bukod pa sa mga tinukoy na suspek ng pulisya na sina Cadapi Mimbisa alyas Engineer at Arsani Membisa alyas Khatab/Hatab/Lapitos na pinaniniwalaan nag plano ng pambobomba at nakita ng mga testigo na nasa misa bago mangyari ang pagsabog.