Ang China at hindi Pilipinas ang tunay na pasaway at dahilan sa lumalalang isyu sa South China Sea (SCS), partikular sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS)
Buwelta ito ni Armed Forces spokesperson Colonel Medel Aguilar bilang tugon sa akusasyon ng China na Pilipinas ang nag-uudyok ng sigalot dahil nanghihimasok ang huli sa SCS.
"[The] Philippines is not provoking conflict. We follow international law and we are only implementing our domestic law," pahayag ni Aguilar sa panayam ng state-run PTV station.
Matatandaan na kamakailan ay binomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) ang mga rotation at resupply vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) at barko ng Bureau of Fisheries and Natural Resources (BFAR) sa bahagi ng Ayungin Shoal sa Palawan at Scarborough Shoal sa Zambales.
Ang tensyon sa pagitan ng Beijing at Manila ay patuloy na tumataas sa mga nakalipas na buwan at ngayong December ay muling naulit ang agresibong aksyon ng CCG matapos bombahin ang mga barko ng Pilipinas.
Ang marahas na hakbang ng CCG ay personal na nasaksihan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na bumisita sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Iginigiit ng pamahalaan na base sa 2016 Arbitral Ruling, kung saan ibinasura ang nine-dash claims ng China sa SCS, ang Scarborough at Ayungin Shoals at ilang continental shelf sa WPS ay ekslusibong nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Dahil sa lumalawak na pag-angkin ng China, ang mga bansa na aktibo at legal na naghahabol sa SCS ay Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan, Vietnam at Indonesia.