Iba talaga 'yung Taylor Swift. Hindi lang Swifties ang nabighani sa kaniyang Eras Tour, kundi maging ang mga ekonomista dahil sa nakatatawag-pansing halaga ng naiambag ng singer sa ekonomiya, lalo na sa Estados Unidos.
Ang Eras Tour ay pagpupugay sa lahat ng mga naging album ni Taylor sa kaniyang 17-taong karera sa industriya. Ito ay projected na maging pinakamalaking tour sa kasaysayan sakaling malampasan nito ang $939 milyong farewell tour ni Elton John.
Inaasahang kikita ng $4.1 bilyon si Taylor sa tour na ito na tatagal hanggang Nobyembre 2024. Sabi ng isang market researcher, kung ekonomiya lang si Taylor Swift ay mas malaki pa siya sa limampung mga bansa.
Dahil sa Eras Tour, posibleng mag-generate ng $5 bilyong consumer spending sa Estados Unidos.
Sa pag-analisa ng mga eksperto, ang bawat $100 (P5,500+) na ginagastos ng bawat fan sa isang live performance ay lumilikha ng $300 (P17,000+) local spending sa hotel accomodation, pagkain, at transportasyon. Kaya talagang maswerte ang mga lungsod na nagiging bahagi ng tour. Dahil dito, iba't ibang lider na ng mga bansa at kilalang lungsod ang humiling na makapagtanghal rin si Taylor sa kanilang lugar.
Pero hindi lang pang-$100 ang Swifties. Umaabot pa umano sa $1,300 hanggang $1,500 (P73,800+ — P85,000+) ang gastos ng iba para sa mga costume, merchandise, at malayuang pagbiyahe.
Base sa isang national survey, 91% ng mga concertgoers na ito ang nagsabing uulit pa sila kahit gumastos uli ng ganiyan kalaking halaga.
Dahil dito, kinilala ng ilang mga opisyal ng state governments at federal agencies ang mahalagang ambag ni Taylor sa turismo sa Amerika.
Dito sa Pilipinas, tinangkilik pa rin ng napakaraming Swifties ang Eras Tour concert film na ipinalabas sa mga sinehan. Naging maingay, masaya, at makabuluhan ang palabas para sa kaniyang fans.
'GOLD RUSH'
Sa dami ng hits ni Taylor, hindi kataka-takang matagumpay ang Eras Tour. Mahigit tatlong oras ng mga sikat na kanta ang pinapaulan sa bawat lungsod na pinagtatanghalan niya.
Tinangkilik rin ang tour dahil sa lalong pag-usbong ngayong taon ng revenge travel at post-pandemic concertgoing.
Seryoso si Taylor sa kaniyang musika. Maliban sa pagsulat ng kaniyang sariling mga kanta, pinoprotektahan rin niya ang mga ito sa streaming platforms at naglabas pa ng re-recording para mai-reclaim ang master rights ng mga ito.
Maraming matututunan ang mga nasa music industry sa mga ginagawa ni Taylor. Talagang magulo ang industriya kung minsan pero hindi siya papatalo rito. Dahil sa kaniyang katatagan bilang artist, lalong nagningning ang Eras Tour na tinatawag ngayon ng ilang mga ekonomista na isang 'gold rush.'