Reunion ng mga anak ni Comedy King Dolphy ang bagong programang ilulunsad ng NET25.
‘Yan ay dahil sa 3-in-1 na programang tatampukan ng magkapatid na Eric at Epi Quizon kasama ang nag-iisang Diamond Star na si Ms. Maricel Soriano.
Kamakailan ay lumagda ng kontrata sa NET25 ang beterana at award-winning na aktres para sa bagong programa kung saan inamin nitong siya mismo ang nagpilit na isali siya ng kaniyang mga itinuturing na kapatid sa network.
“Because of my brothers, si Eric at saka si Epi, nandoon ang mga kapatid ko, sabi ko ba’t kayo lang, dapat isali ninyo ako, sabi ko. Pinipilit ko sa kanila kasi gusto ko kasama ko ‘yung mga kapatid ko,” ani Diamond star.
Nagpasalamat naman si Maria sa tiyansang ibinigay ng NET25 para makatrabahong muli sina Eric at Epi.
“Kung meron man pasalamat ako dahil nakita nila kami, nakita kaming mga kapatid ko, maraming salamat sa chance, reunited.”
Gaya ng ‘Quizon CT’, sitcom din ang 3-in-1 na maghahatid ng saya sa mga manonood.
“Para po kaming mga kape, ganun lang, kasi comedy ito… pero magiging masaya kasi, sabi ko ano ha maghahatid tayo ng saya sa tao, ‘yung ganun, hindi puro iyakan,” paglalahad ni Maria.
At para sa mga baguhang artista gaya ng new breed of artists na kamakailan lamang ay inilunsad ng network sa pamamagitan ng NET25 Star Center, may payo naman ang batikang aktres.
“Una ‘pag minahal n’yo ang trabaho, mamahalin din kayo pabalik, respetuhin n’yo, mahalin n’yo at saka dapat be punctual, be on time, be professional about your work kasi dapat ang trabaho minamahal.”
Muli namang ipinarating ni Maria ang endless love nito sa kaniyang mga fans na wala ring sawang sumusuporta sa kaniya.
Bukod kina Maria, direk Eric at direk Epi, kasama rin sa 3-in-1 sina Vandolph, Vito Quizon, Boy2 Quizon, Donna Cariaga, Bearwin Meily, Long Meija, Angie Castence at Shira Tweg.
Mapapanood na ang 3-in-1 sa NET25 sa November 12, tuwing Linggo, 8 ng gabi sa NET25.