Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang paglulunsad ng Integrated Scholarship and Incentives Program (ISIP), na naglalayong tulungan ang mga kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
“Sa utos ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at sa pakikipagtulungan ng iba't ibang ahensya ng gobyerno, inilunsad natin ang Integrated Scholarship and Incentives Program (ISIP) para sa mga kabataan," sinabi ni Romualdez sa pilot launch ng programa sa West Visayas State University Cultural Center, Iloilo City kahapon.
"Layon ng programang ito na tulungan ang mga karapat-dapat na estudyante na kapos sa pondo para makapagpatuloy sa de-kalidad na edukasyon,” dagdag na pahayag nito.
Ang ISIP ay isang financial assistance initiative para sa mga estudyante sa high school, Alternative Learning System, tertiary level, at vocational education institutions.
“This initiative is in collaboration with several government agencies to assist disadvantaged but deserving students facing financial challenges in pursuing their studies. Remember, when our students graduate, they become productive members of society and contribute to nation-building,” aniya pa.
Sa unang pag-arangkada nito, nasa 2,000 estudyante mula sa lalawigan ng Iloilo ang tatanggap ng tig-P2,000 tulong kada buwan sa loob ng anim na buwan mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang mga benepisyaryo ay makakatanggap din ng P15,000 taunang tulong sa ilalim ng Tulong Dunong program ng Commission on Higher Education (CHED). Matatanggap nila ito sa Enero ng susunod na taon.
Ang mga napiling estudyante ay bibigyan din ng slot sa ilalim ng Government Internship Program (GIP) sa pagtatapos nila. Ang kanilang magulang o guardian ay isasama rin sa TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“This is to ensure that these students will eventually become our partners in nation-building. Nakakagana pong mag-aral pag alam mong may internship ka sa gobyerno pagka-graduate mo,” paliwanag ni Romualdez.
Ang ISIP for the Youth program ay pagtutulungan ng DSWD, DOLE, CHED, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).