Sa punto de vista ng isang karaniwang manonood ng pelikula, masasabi kong ibang-iba ang timpla ng Monday First Screening ng NET25. Pwede ka pa palang kiligin sa formula ng senior citizen rom-com at kasabay nito'y matawa, maka-relate at matuto tungkol sa buhay ng ating mga lolo at lola.
Unang pelikula ito ng NET25 pero masasabing pasabog kaagad. Ika nga ng lead actress na si direk Gina Alajar, 'napakatapang' ng proyektong ito ng NET25. Hindi mabibigo ang viewers, anuman ang edad at katayuan sa buhay, dahil sa dala nitong ENTERTAINMENT, VALUES at ADVOCACY na pasok sa panlasa ng mga Pilipino. Nga pala, available rin ang English subtitles kaya naman tiyak na magugustuhan rin ito ng mga dayuhan.
ENTERTAINMENT
Ilang beses na nagtawanan ang mga tao sa sinehan dahil sa bentang bentang jokes at humor na nakapaloob sa pelikula. May mga sandali pang nagpapalakpakan at napapa-aww ang lahat dahil may mga eksenang nakaka-touch. Kung ganito ang nagiging reaksyon mo sa pinapanood mo, sulit ang binayad mo para sa ticket.
Nakaka-inlove ang istorya at may chemistry ang mga bida na sina Ricky Davao at Gina Alajar – parehong respetado sa industriya ng pelikula sa bansa.
VALUES
Bagaman nariyan ang pagtuon ng istorya sa pag-ibig, kapansin-pansin ang atensyong ibinigay ng MFS sa pagpapahalaga sa pamilya. Kaya hindi maikakailang may laban ito sa pagiging #1 family movie ng taon. Madaling maantig ang puso nating mga Pilipino pagka pamilya ang pinag-uusapan. Kaya sakto namang tinalakay rin ng pelikula ang paksang ito.
Pansin ko nga na pami-pamilya ang nanood sa sinehan. Sinasalamin kasi ng pelikula ang realidad ng pamilyang Pilipino. Kumbaga ay hindi pang-script lang, kundi malapit na malapit sa totoong nangyayari sa lipunan.
ADVOCACY
Adbokasiya ang isa pang bala ng pelikulang ito. Sapat na nga ba ang mga benepisyong iniaalok sa ating mga kababayang senior citizen? O baka may mga pangangailangan pa pala silang dapat bigyan ng atensyon? 'Yan ang misyon ng Monday First Screening, muli, para sa akin na ordinaryong Pilipinong nakapanood nito.
Kakaiba ang pelikulang ito dahil bakas ang layuning makatulong at magbukas ng kamalayan tungkol sa isang bahagi ng lipunan na maaaring nakakalimutan ng karamihan – ang ating mga tatay at nanay na senior citizens.
Kaya naman, hindi mo dapat palampasin ang pelikulang ito! MONDAY FIRST SCREENING; nasa mahigit 100 sinehan sa buong Pilipinas.