Isang public advisory ang inilabas ng Department of Health (DOH) patungkol sa pagpapalakas ng "public health measures" kabilang ang boluntaryong pagsusuot muli ng facemask sa pampublikong lugar makaraan ang pagtaas ng mga kaso ng respiratory illness sa mga bata sa China.
Tinawag ni Health Undersecretary Eric Tayag na "walking pneumonia" ang sakit na idinudulot ng "pathogen mycoplasma pneumoniae".
“Ibig sabihin nung walking pneumonia, pag-inexray mo ang isang tao, meron nang findings sa chest x-ray. Pero naglalakad pa rin, parang wala siyang nararamdaman,” ayon kay Tayag.
Ngunit sa kabila ng mga pangamba na umabot ang sakit sa Pilipinas, sinabi ni Tayag na hindi dapat magpanik dahil sa hindi pa malinaw ang sanhi ng mga pagkakasakit kung mula sa "mycoplasma pneumoniae" o dahil sa mga viruses.
Upang makatiyak, maaari naman umanong magpa-test sa iilang testing centers sa bansa na may kakayanan kabilang ang "Research Institute for Tropical Medicine (RITM)".
Bukod sa pagsusuot ng mask, maaari ring pumila ang publiko para sa bakuna sa influenza na libreng ibinibigay ng DOH.