Sa kabila ng magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA), tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang seryosong banta sa pambansang seguridad.
Sa pahayag, binigyan diin ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na nananatiling naka-alerto ang pambansang pulisya kahit nagpatupad ng dalawang araw na tigil-putukan ang Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA.
Ayon kay Fajardo, nagpapatuloy rin ang combined support ng PNP at AFP para mapalakas ang kampanya kontra insurhensya.
Samantala, inihayag ng Philippine Army 4th Infantry Division (4ID) na 9 hinihinalang NPA ang napatay sa isinagawang military operation sa Malaybalay City sa Bukidnon noong Lunes, December 25.
Base sa ulat ng 4ID nagsagawa ng opensiba ang mga sundalo laban sa komunistang grupo sa kabundukan ng barangays Can-ayan, Kibalabag, Kulaman, at Mapulo madaling araw ng Lunes kung saan napaslang ang 9 na mga rebelde at narekober ang 8 matataas na kalibre ng armas.
Walang iniulat na nasugatan sa panig ng pamahalaan, ayon kay AFP public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad kasunod ng pagtiyak na nakabantay ang militar kahit na nagpatupad ng unilateral ceasefire ang kampo ng CPP.
“We will be watchful and our operations will continue unabated to keep our communities safe and end the communist armed conflict, once and for all. The defeat of this threat aligns with the collective wish of all Filipinos,” pahayag ni Trinidad.
“The unilateral ceasefire declared by the CPP is an empty statement as they do not have the leadership and support of the masses. Their ammunition are depleted and their members, supporters included, are surrendering,” dagdag ni Trinidad.