Isang security guard sa showroom ng car dealer ang natagpuang wala ng ulo umaga noong Disyembre 25 sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), hanggang sa ngayon ay hinahanap pa rin ang ulo ng biktimang si Alfredo Valderama Tabing, 50, ng Brgy. 46 Zone 3, Tondo, Manila.
Batay sa report, natagpuan ang katawan ng biktima dakong alas-7:50 ng umaga nitong Lunes sa loob ng showroom ng Ford Balintawak Compound, EDSA, Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.
Natuklasan lamang ang krimen nang dumating sa naturang showroom ang mga karelyebong guwardiya ng biktima na sina Ricardo Masdo at Jayson Juri kung saan kinatok ang showroom subalit hindi sumasagot ang biktima.
Dahil dito napilitan sina Masdo at Juri na sapilitang pasukin ang showroom at tinungo ang parking entrance.
Dito nila nakitang nakasubsob at walang ulo ang biktima. Wala nang iba pang sugat ang biktima.
Malinis din umano ang crime scene kaya pinaniniwalaang ginamitan ng samurai ang biktima.
Sinabi ni Raymond Parungao, Information Security ng Ford Balintawak na sira ang mga CCTVs sa compound ng nasabing establisimento simula pa Pebrero 2022.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.