Puwersahang pinababa ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang nasa 450 pasahero matapos na makitaan ng usok ang isang tren nito sa Cubao Station sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na nagkaroon ng technical problem, kung saan nakitaan ng usok sa Bogie B, sa Train Index 10 sa Cubao Station-Southbound.
Naganap ang insidente dakong alas-5:44 ng umaga kung saan inilipat sa replacement Train ang mga pasahero.
Tumagal lang ang pagkagambala ng operasyon ng nasa walong minuto at tapos nito ay bumalik naman sa regular na operasyon ang biyahe ng MRT.
Sinabi pa ni Aquino na patuloy pa rin silang nag-iimbestiga patungkol sa pangyayari.
Magugunitang nauna nang pinalawig ng DOTr ang biyahe ng MRT dahil sa holiday rush.