Nagniningning ang mga pangalan ng mga atletang Pinoy lalo na sa ating panahon dahil sa sunod-sunod na pagkapanalo ng mga medalya sa iba't ibang larangan lalo na sa tinatawag na 'combat sports.' Pero mayroong isang Pilipino na naging tanyag dahil sa pagpapasimula ng isang self-defense technique na kinilala sa buong mundo — ang TRACMA. Ang founder nito ay ang living legend na si Master Trovador Ramos Sr.
Kinikilala si Ramos bilang isa sa mga nagpakilala ng Filipino martial arts sa buong mundo. Filipino pride na maituturing si Ramos, isang hinahangaan at iginagalang na master sa martial arts. Nakamit niya ang titulong 14th degree red belt master.
Naka-sparring na ni Ramos ang Hong Kong martial artist at aktor na si Bruce Lee. Sa isang panayam noon, sinabi ni Ramos na tinanggap ng tanyag na aktor ang kaniyang martial arts bilang superior. Tinuruan din niya ito ng techniques na ginamit sa pelikulang 'Enter the Dragon.' Nakalathala sa iba't ibang pahayagan sa bansa at sa Hong Kong ang kaniyang mga di-malilimutang kwento tungkol kay Lee.
Ano naman ang TRACMA?
Ang TRACMA ay ang Trovador Ramos Asian Consolidated Martial Arts, isang self-defense na nakabase sa iba't ibang uri ng martial arts. Sa isang panayam noon, sinabi niyang ang pinakamalaking tao ay "no match" sa pinakamaliit basta't kargado ng kasanayan at pagsasanay sa TRACMA.
Sumikat ang TRACMA sa iba't ibang panig ng mundo dahil na rin sa kaniyang masigasig na pagtuturo. Lumitaw na rin siya sa mga pelikula at nagkaroon ng matagumpay na karera bilang musical director ng mga konsyerto at palabas sa Hong Kong. Minsan pang nagkaroon ng 198 internationally-recognized chapters ng TRACMA gyms.
Ang kaniyang legacy sa martial arts ay mahirap pantayan at isang bagay na maipagmamalaki nating mga Pilipino. Bibihira ang mga katulad ni Ramos na nabiyayaan ng talento, husay, at kakahayan na pang-international stage. Higit sa lahat, pinahahalagahan niya ang kaniyang pananampalataya at kung ano ang naging bahagi nito sa kaniyang tagumpay.
Sumapit sa kaniyang ika-88 kaarawan noong Oktubre 14 ang tubong San Antonio, Zambales na si Master Trovador Ramos Sr. kaya't maligayang kaarawan sa iyo, master!